Muling nangibabaw ang isang Cordilleran athlete matapos masungkit ang pangalawa nitong gold medal sa women’s discus throw Senior Division sa nagpapatuloy na 2025 PRISAA National Games sa lungsod ng Tuguegarao.
Nagtala si Jazmin Butag ng University of Baguio ng 35.92 metro na layo upang maabot ang inaasam na unang pwesto sa PRISAA.
Unang nakamit ni Butag ang unang gintong medalya ng CAR sa senior women shot put event na may record na 10.49 meters kung saan napanatili nito ang record noong 2024 PRISAA sa Legazpi City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Butag na susi sa pagkamit niya ng dalawang gintong medalya ang tuluy-tuloy na training at mas maayos na teknik na itinuro ng kanyang coach.
Naidepensa naman ng 23-anyos na atleta mula Cebu na si Mark Mahinay ang kanyang gold medal sa 5,000-meter run title sa pamamagitan ng 15 minutes at 26.3 seconds para sa Central Visayas.
Gayunman, mas mabagal ang oras ni Mahinay mula sa kanyang unang dating marka na 15 minutes at 22.9 seconds na naitala niya noong 2024 edition na isinagawa sa Legaspi.
Ayon sa kanya, naging hamon sa ang mainit na panahon sa lungsod kung saan nahirapan siyang makahinga.
Samantala, nangunguna ngayon sa partial and unofficial medal tally sa Senior Division ang Central Visayas na nakakuha ng 27 Golds, 9 Silver, at 12 Bronze Medal.
Sinundan naman ito ng SOCCSKSARGEN na may 23 Gold, 30 Silver, at 13 Bronze habang nasungkit din ng CAR (Cordillera Administrative Region) ang 3rd Spot na may 16 Gold, 15 Silver, at 17 Bronze.
Nangunguna naman ang Bicol Region sa Youth Division na ngayon ay nakasungkit na ng 30 Gold, 22 Silver, at 17 Bronze Medal na sinundan ng Central Visayas na may 10 Gold, 3 Silver at 1 Bronze habang nasa 3rd spot ang CAR na ngayon ay nakakuha na ng 8 Gold, 2 Silver, at 1 Bronze.
Ang Region 2 naman ay mayroon nang 5 Gold, 1 Silver at 9 bronze medal sa Senior Division habang 7 gold, 4 silver, at 9 bronze medal sa Youth Division.