Isinusulong ngayon ng Department of Agriculture sa rehiyon dos ang “double row” na pamamaraan ng pagtatanim ng mais.
Ayon kay Engr. Archival Sabado, Science Research Specialist II – DA R02 na ang paggamit ng double-row corn technology ay isang pamamaraan ng pagma-maximize ng tanim o nilalaman na tanim na mais sa kada ektarya ng lupa sa sukat na 30cm x 80cm x 30cm na distansya ng pagtatanim at 20cm sa pagitan ng bawat row o hills.
Kumpara sa nakasanayang pagsasaka ng mais ay sinabi ni Sabado na sa paggamit ng double row ay magkakaroon ng mas maraming bunga ng mais kada hektarya at ang bawat espasyo ng lupa ay mas magiging produktibo.
Ang naturang pamamaraan ng pagtatanim ay unang sinubukan noong 2015 sa Maddela, Quirino para sa 20 hectares na taniman ng mais kung saan nasa hanggang 7 metric tons kada ektarya ang average na ani kumpara sa dati na 4.4 metric tons lang.
Sa ngayon ay nasa isang libong ektarya ng taniman ng mais sa Maddela ang gumagamit ng double row corn technology na isinusulong sa buong rehiyon dos.
Bukod dito, isinusulong rin ng ahensya ang paggamit ng balanced fertilization strategy o ang paggamit ng kombinasyon ng organiko at inorganikong pataba para makatipid sa gastos sa abono habang inaabot ang mataas na ani.