Nanindigan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi ang reclamation sa Manila Bay ang dahilan ng matinding pagbaha sa Metro Manila.
Ayon sa DPWH, wala pang sapat na pag-aaral kung ang reclamation project ang dahilan ng paglubog sa tubig ng maraming lugar sa National Capital Region (NCR) nitong Super Typhoon Carina.
Ayon kay DPWH Undersecretary Cathy Cabral, kailangan munang magsagawa ng pag-aaral ang proponent at ilang ahensiya ng gobyerno kung ang reclamation project sa Manila Bay nga ang pangunahing dahilan ng pagbaha.
Posible aniya na ang sobra-sobrang populasyon sa Metro Manila ang dahilan ng malawakang pagbaha.
Nilinaw din ng ahensiya na ang 244-bilyong pisong pondo sa flood control ay hindi lamang sa NCR kundi sa buong bansa.