Hinuli ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taal, Batangas nitong nakalipas na linggo dahil sa tangka umanong panunuhol kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ng P3.1 million para itigil umano ng mambabatas ang imbestigasyon sa mga sinasabing iregularidad sa infrastructure projects sa nasabing lalawigan.
Kinilala ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) police ang nasabing engineer na si alyas “Abe,” 51-anyos, na inaresto sa Barangay Poblacion noong gabi ng August 22.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-alok umano si Abe ng P3,126,900 kay Leviste sa parehong araw kung kailan siya hinuli para pigilin ang mambabatas sa pagsasagawa ng imgbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang DPWH-led projects sa unang distrito ng Batangas.
Ayon sa pulisya, nagsagawa sila ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakahuli sa nasabing district engineer.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Taal police ang suspek at mahaharap sa mga reklamo dahil sa paglabag sa
Article 212 ng Revised Penal Code (corruption of public officials) at Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.