Pansamantalang nakalaya ang engineer na hinuli dahil sa umano’y tangkang panunuhol sa isang kongresista sa Batangas para pigilan siya na magsagawa ng imbestigasyon sa flood control projects matapos na makapaglagak ng piyansa.
Sinabi ni Batangas Provincial Police Office chief Police Colonel Geovanny Emerick Sibalo, nakalaya si Abelardo Calalo, district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kahapon matapos na magpiyansa ng P150,000.
Hinuli si Calalo noong August 22 matapos na tinangka umanong suhulan si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ng P3.1 million para pigilan ang kongresista na magsagawa ng imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto sa kanyang nasasakupan.
Sinabi ni Leviste na ang suhol ay may layunin na hikayatin siya na huwag itulong ang imbestigasyon sa mga anomalya sa DPWH projects sa unang distrito ng Batangas.
Idinulog ito ni Leviste sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakahuli sa nasabing engineer.
Kasunod nito ay sinampahan ng kaukulang kaso ni Leviste si Calalo.