Hiniling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang halos kalahating bilyong piso na halaga ng luxury vehicles ng mga personalidad na sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Kabuuang P474,483,120.00 na halaga ng motor vehicles na nakarehistro sa 26 na indibidwal na pinangalanan sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control projects ang hiniling ng DPWH sa AMLC na i-freeze.

Kabilang sa mga pangalan ay sina dating DPWH Bulacan first district engineer Henry Alcantara , dismissed DPWH assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, at contractor Pacifico Discaya.

Sa mga nabanggit, isinuko ni Hernandez ang isa sa kanyang luxury vehicles sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) bilang kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon.

Nitong nakalipas na linggo hiniling ng DPWH sa Land Transportation Office (LTO), Land Registration Authority (LRA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Maritime Industry Authority (MARINA) na ibigay ang kabuuang inventory ng mga sasakyan, lupa, water vessels at maging aircraft na nakarehistro sa mga opisyal ng DPWH at maraming contractor.

-- ADVERTISEMENT --