Humiling ang Department of Public Works and Highways sa Senado na ibalik ang mga pondong ibinawas sa panukalang badyet nito para sa 2026 na nagresulta mula sa paggamit ng Construction Materials Price Data.

Isinagawa ang apela isang araw bago talakayin ng Bicameral Conference Committee ang badyet ng ahensya. Ayon sa DPWH, kinakailangan ang paggamit ng updated CMPD Special Issuance upang maipatupad nang maayos ang mga proyekto at maisagawa ang tamang pag-aayos ng gastos.

Sa huling pagbasa ng Senado, ibinaba ang panukalang badyet ng DPWH sa P570.48 bilyon mula sa P624.48 bilyon na inaprubahan ng Kamara. Ang pagbabawas ay bahagi ng mga amyendang ipinatupad kasunod ng direktiba ng Pangulo na pababain ang gastos sa mga materyales sa konstruksiyon para sa mga proyekto ng gobyerno.

Ipinaliwanag ng Senate finance committee na ginamit ang adjustment factors sa pagkukuwenta ng mga proyekto at nilagyan ng station numbers at eksaktong koordinado ang lahat ng infrastructure projects upang maiwasan ang mga ghost project.

Nauna nang iniutos ng Pangulo ang pagbabawas ng project costs matapos mabunyag ang umano’y pagpapataas ng presyo ng mga proyekto upang mapondohan ang ilegal na komisyon at kickback.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng DPWH na ang hiling nitong reconsideration ay upang masunod ang tamang proseso sa pagpapatupad ng bagong CMPD at maiwasan ang maling costing na maaaring magresulta sa hindi pagpapatupad ng proyekto, underspending, at mga problemang legal at administratibo.

Naglabas din ang ahensya ng department order na nag-uutos sa mga regional at district engineering offices na i-adjust ang programs of work gamit ang updated CMPD, baguhin ang approved budgets for the contract, magsumite ng kumpletong dokumentasyon, at tiyakin ang pagsunod bago ang procurement.

Tiniyak ng DPWH sa Senado at Kamara ang mahigpit na pagpapatupad ng updated CMPD at ang pagpapataw ng administratibo at kriminal na parusa laban sa mga lalabag sa patakaran.