
Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkamatay ng isa sa kanilang engineer sa Sorsogon.
Kasabay nito, nanawagan ang DPWH sa publiko na iwasan ang mga espekulasyon tungkol sa pagkamatay ni Engr. Larry Reyes, na chairman ng Bids and Awards Committee ng DPWH Sorsogon First District Engineering Office.
Ayon sa DPWH, marami nang lumalabas na mga espekulasyon at hindi beripikadong mga report sa social media tunkol sa pagkamatay ni Reyes, hiniling ng pamilya sa publiko at sa media na bigyan sila ng privacy at pagkakataon na magluksa.
Umaapela ang DPWH na igalang ang kahilingan ng pamilya at iwasan na maglabas ng mga hindi kumpirmadong mga impormasyon kaugnay sa pagkamatay ni Reyes.
Iginiit ng ahensiya na ang nasabing insidente ay pribado at personal, at walang kaugnayan sa anomang usapin sa DPWH.
Tiniyak din ng DPWH na ang kanilang focus ngayon ay ang pagsuporta sa pamilya at mga katrabaho ni Reyes sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Matatandaan na isa ang Sorsogon sa mga iniimbestigahan dahil sa mga flood control projects.
Isa sa mga binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kumpanya na nakakuha ng malalaking proyekto ang Centerways Construction and Development Inc.
Inamin naman ng presidente ng kumpanya na si Lawrence Lubiano sa isang pagdinig ng Kamara na sa 80 na mga proyekto kanyang kumpanya mula 2022 hanggang 2025, nasa 30 ang nasa Sorsogon.










