Nagsampa ng mga kaso ng graft at malversation sa Office of the Ombudsman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) laban sa 20 opisyal ng gobyerno at dalawang kontratista dahil sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa La Union at Davao Occidental.

Sa La Union, 12 opisyal ng DPWH at ang Silverwolves Construction Corporation ang kinasuhan dahil sa P89.7-milyong substandard na proyekto, habang sa Davao Occidental naman, walong opisyal at ang St. Timothy Construction Corporation ng pamilya Discaya ang kinasuhan dahil sa umano’y “ghost projects” na nagkakahalaga ng P179.5 milyon.

Isasailalim sa 60-araw na preliminary investigation ng Ombudsman ang mga reklamo, kung saan ipapadala ang mga subpoena at hihingan ng counter-affidavit ang mga sangkot.

Kasabay nito, inaasahan ding maglalabas ng dismissal order laban sa mga opisyal na mapapatunayang sangkot.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, itinuturing na persons of interest sina Benguet Rep. Eric Yap, ACT-CIS Rep. Edvic Yap, Bulacan Rep. Salvador Pleyto, at Davao Occidental Rep. Claude Bautista dahil sa umano’y pagkakaugnay nila sa mga kumpanyang sangkot sa mga kontrata.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa rito, sinabi ni DPWH Undersecretary Emil Sadain Dizon na posibleng madagdagan pa ang mga makakasuhan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at paglabas ng mga bagong ebidensya.