Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kaninang umaga ang paghahain ng graft complaint sa Office of the Ombudsman laban sa 20 opisyal ng ahensiya at apat na contractors kaugnay sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa press briefing, sinabi ni Dizon na ang mga respondent ay kinabibilangan ng contractor na si Sarah Discaya at DPWH engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
Ang reklamo ay malversation through falsification of public documents, violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at violation of the Government Procurement Act.
Iniimbestigahan ng pamahalaan ang mga umano’y ghost at substandard flood control projects kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang state of the Nation Address na papanagutin ang mga sangkot sa mga maanomalyang kontrata sa pamahalaan.
Una rito, sinabi ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya na maging state witness sa nasabing kontrobersiya.
Pinangalanan nila ang mga pangalan ng maraming kongresista, mga staff, at mga opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa katiwalian sa flood control projects.
Samantala, sinuspindi ni Dizon ang pagsusuot ng uniporme ng mga personnel ng DPWH sa gitna ng mga imbestigasyon sa mga flood control projects.
Ang direktiba ay may layunin na protektahan ang mga empleyado sa bullying at harassment may kaugnayan sa nasabing usapin.
Gayunpaman, inaatasan ang mga kawani na pumasok sa kanilang trabaho na may presentable attire.