Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2 naka-alerto ang kanilang disaster quick response team bilang paghahanda sa posibleng epekto ng paparating na bagyong Crising.
Ayon kay Maricel Asejo, Public Information Officer ng DPWH RO2, nakaposisyon na ang kabuuang 702 na tauhan na binubuo ng maintenance personnel, technical staff, at field crew upang magsagawa ng clearing operations at agarang pagtugon sa anumang sakuna o pagbaha.
Kabilang sa mga nakahandang kagamitan ay ang 82 heavy equipment tulad ng dump trucks, backhoe, at payloader na maaaring gamitin para sa paglikas at rescue operations.
Mayroon ding 77 motor vehicles at 90 iba pang kagamitan tulad ng generator sets at chainsaws na maaaring gamitin sa clearing operations at emergency repairs.
Sa kasalukuyan, iniulat ng DPWH Region 2 na lahat ng pangunahing tulay at kalsada sa rehiyon ay accessible at passable.
Gayunman, patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga landslide-prone at flood-prone areas.
Nagpaalala rin ang DPWH sa lahat ng motorista at mamamayan na mag-ingat sa pagbibiyahe, lalo na sa panahon ng malakas na ulan.
Mainam anilang alamin muna ang kondisyon ng kalsada bago bumiyahe at makinig sa mga babala mula sa mga lokal na pamahalaan at kaukulang ahensya.