
Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang agarang pagsasaayos ng sira-sirang kalsada at tulay sa buong bansa bago dumating ang tag-ulan.
Kabilang sa mga proyektong pinamamadali ng kalihim ang Apalit Section ng MacArthur Highway, Apalit-Macabebe Road sa Pampanga, at ang San Agustin bridge sa Arayat, Pampanga.
Ayon kay Dizon, hindi maganda ang pagkaka-ayos o pagkakagawa ng mga kalsada at tulay, kaya nagreresulta sa pabalik-balik na problema.
Dahil dito, agad namang ipinag-utos ng kalihim ang pagsasaayos ng mga nasabing proyekto dahil na rin sa posibleng panganib at perwisyo na maaaring idulot nito sa mga residente at motoristang dumaraan.
Una nang tiniyak ng kalihim na tututukan ng ahensya ngayong taon ang pagkukumpuni ng mga sira-sirang kalsada at tulay sa buong bansa.










