Hindi napigilan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mapamura sa galit sa nabistong “ghost” flood control project umano sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Nabayaran na ng P96.5 million ang proyekto na idineklarang tapos na noong 2022, ngunit dinatnan na tila sinisimulan pa lang gawin.
Ang nakakuha ng proyekto, ang St. Timothy Construction Company na konektado sa mga Discaya.
Kasama ni Dizon sa nagsagawa ng inspeksyon sa Barangay Culaman si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser and Baguio City Mayor Benjie Magalong.
Nalaman ni Dizon na 2021 pinondohan ang proyekto, at ipina-bid sa nasabi ring taon.
Nai-award ang proyekto sa St. Timothy noong Enero 2022 at natapos ang kontrata o nakompleto ang proyekto noong Oktubre 2022 kaya binayaran na.
Ngunit dinatnan nina Dizon at Magalong na tila sinisimulan pa lang ang konstruksyon sa lugar.
Sinabi ni Dizon na batay sa mga residente sa lugar ay ilang linggo pa lang ang nakararaan nang simulan ang proyekto.
Hinala ni Dizon, inaapura na gawan ng konstruksyon sa ilog dahil sa gagawing pag-inspeksyon nila doon.
Layunin sana ng proyekto na protektahan ang mga komunidad at eskuwelahan sa lugar kapag tumaas ang tubig sa ilog.
“Pu…. ina bakit ka nagbayad nang ‘di kompleto [ang proyekto],” sinabi ni Dizon kay DPWH-Davao Occidental District Engineer Rodrigo Lorete, ang namahala sa proyekto.
Ipinaliwanag naman ni Lorete na binayaran na niya nang buo ang proyekto para makahabol sa disbursement rate na hindi tinanggap na dahilan ni Dizon.
Idinahilan din ni Lorete na nasira ang flood control project sa mga nagdaang pag-ulan at nagkaroon ng problema sa quarrying sa lugar.
Inatasan ni Dizon si Lorete na isumite sa kaniya ang lahat ng dokumento sa lahat ng proyekto na hawak niya.
Nagbabala din si Dizon sa mga district engineer at Regional Director ng DPWH sa bansa na ipaalam na sa kaniya at ICI ang mga nalalaman na anomalya sa mga flood control projects, at huwag na siyang hintayin pumunta sa kani-kanilang distrito at makakita ng ghost flood control projects.