Nakatakdang bumisita si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Cagayan ngayong araw ng Miyerkules upang personal na tingnan ang bumagsak na Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala.

Kasabay ng pagbisita, makikipagpulong ang kalihim kina Cagayan Governor Edgar Aglipay at Alcala Mayor Cristina Antonio kaugnay ng isasagawang mga hakbang matapos bumigay ang tulay.

Dagdag pa ni Dizon, magiging basehan ng kanilang aksyon ang resulta ng isinagawang assessment ng mga inhinyero mula sa Bureau of Design ng DPWH Central Office, kung ito ba ay kakailanganing ayusin o tuluyang palitan ng bagong tulay.

Dagdag pa niya, makikipagtulungan sila sa pamahalaang panlalawigan at lokal upang mapagaan ang daloy ng trapiko, lalot ang mga alternatibong ruta ay masyadong malayo at mahirap para sa malalaking sasakyan.

Binigyang-diin din ni Sec. Dizon na isa sa mga karaniwang dahilan ng pagbagsak ng mga tulay sa bansa ay ang pagdaan ng mga overloaded trucks.

-- ADVERTISEMENT --

Kaya sa magaganap na pulong ay umaasa siyang makakabuo sila ng konkretong hakbang para sa tamang traffic management sa mga tulay na nasa hurisdiksyon ng mga LGU.