Kinumpirma ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na naghain ng kanyang irrevocable resignation si DPWH Undersecretary Arrey Perez.
Si Perez ang pinangalanan ni Batangas First District Congressman Leandro Leviste na isa sa mga opisyal na may kaugnayan sa mga contractor ng mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Dizon na agad niyang kinausap si Perez nang malaman niya na siya ang binanggit ni Leviste na may koneksyon umano sa mga contractor.
Ayon kay Dizon, sinabi niya kay Perez na bagamat sinabi ni Leviste na may nakapagsabi sa kanya ukol sa nasabing usapin, kailangan pa rin siyang imbestigahan, bilang bahagi ng tapat na paglilinis sa DPWH, batay sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Dizon na tinanggap niya ang resignation ni Perez.
Ayon kay Dizon, ang kusang pagbibitiw ni Perez ay upang hindi umano makasagabal sa mabigat nang trabaho ng DPWH sa mga ginagawang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
Iginiit ni Dizon na hindi ito nangangahulugan na hindi na iimbestigahan si Perez.
Binigyang-diin niya na walang sasantuhin sa kanilang mga imbestigasyon sa mga sangkot sa mga maanomalyang flood control projects, maging ang mga kinuha niyang mga tao.