Opisyal nang itinalaga bilang bagong pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) si Dr Cherry Lou Antonio.
Pinangunahan ni Regional Director Amelita Pangilinan ng DOH-RO2 ang isinagawang installation ceremony sa bagong medical center chief na sinaksihan ni DOH Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao, na siyang dating medical center chief ng naturang pagamutan.
Sa kaniyang mensahe, hinimok ni USEC Baggao ang mga kawani ng CVMC na makiisa at makipagtulungan sa liderato ni Dr. Antonio.
Pinayuhan naman ni Pangilinan si Antonio na lalo pang paghusayin ang pagseserbisyo para maitaas ang kalidad ng medical services ng CVMC.
kasabay nito ay nagpasalamat si Dr. Antonio sa ibinigay na tiwala ng DOH sa pagtalaga sa kanya na pamunuan ang nasabing pagamutan.
Nangako siyang ipagpapatuloy nito ang mga proyektong nasimulan ni Dr. Baggao gaya ng pag-upgrade sa mga pasilidad ng pagamutan na mapapakinabangan ng mga pasyente lalo na sa mga walang kakayahang magpagamot sa mga malalaking ospital sa Metro Manila.
Una rito, nanumpa kay Health Sec. Ted Herbosa si Dr. Antonio bilang bagong hepe ng pagamutan na dating chief ng medical professional staff ng CVMC.
Si Dr. Antonio ang pinakabata at pinakaunang babae na naging pinuno ng pagamutan.