TUGUEGARAO CITY- Anim pa na positibo sa covid-19 ang kasalukuyan pang nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na ang ilan sa mga ito ay hinihintay na lang ang resulta ng kanilang ikalawang swab test habang ang iba naman ay isinasailalim pa sa kaukulang gamutan bago makuhanan ng panibagong swab test.
Ayon pa kay Baggao na ang isa sa kanilang mahigpit na minomonitor ngayon ay ang walong buwang buntis na mula sa Alicia, Isabela sa maging sa kanyang ikalawang swab test ay positibo pa siya at muli siyang kukunan ng swab test para sa muling pagsusuri.
Bukod kasi sa buntis ang ginang ay mababa ang kanyang platelet.
Ang kauna-unahang namang covid-19 positive sa Tuguegarao na si PH 275 ay hindi pa pinapalabas sa ospital bagamat negatibo ang kanyang second swab test dahil sa kailangan na tingnan ang iba niyang medical condition tulad ng kanyang ulcer at sakit sa puso.
Idinagdag pa ni Baggao na tatlo na lang ang persons under investigation na hinihintay na lang ang resulta ng kanilang swab test.
Umaasa si Baggao na mabilis na lang na malaman ang resulta ng mga ito dahil sa Baguio General Hospital na lang sila nagpapadala ng specimen at hindi na Research Institute for Tropical Medicine sa Manila.
Kaugnay nito, nilinaw ni Baggao na ang mga namatay na PUI ay negatibo sa covid-19 at ang dahilan ng kanilang pagkamatay ay dahil sa ibang karamdaman tulad ng pnuemonia, mataas ang sugar level at iba pa.
Samantala, tiniyak ni Baggao na sapat ang kanilang mga medical supplies at iba pang pangangailangan ng ospital.
Bukod dito, mahigpit ang ipinatutupad nilang precautionary measures upang matiyak na wala nang mahahawaan ng virus.
Sinabi niya na maglalagay sila ng malaking tent kung saan dadaan ang mga tao na papasok at lalabas sa pagamutan para sila ay ma-disinfect.