Tuguegarao City- Pinangunahan ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center, ang pagpapabakuna ng Sinovac vaccine kasabay ng pag-arangkada ng vaccination program ngayong araw.
Bago nito ay dumaan muna si Dr. Baggao sa registration, counseling at screening bago tuluyang turukan ng bakuna.
Sinabi nito na wala siyang naramdamang adverse effect o mga sintomas matapos dumaan sa monitoring kaya’t umaasa siya na magtutuloy-tuloy na ito.
Sa ngayon ay target ng CVMC na makapagbakuna ng 100-150 na mga medical frontiners sa bawat araw hanggang matapos ang pagbabakuna.
Una ng inihayag ng nasabing ospital na mula sa mahigit 2k na medical workers ng CVMC ay nasa mahigit 1, 000 na katumbas ng 65% ang nagpahayag na magpabakuna.
Hindi kasama sa bilang ang mga senior citizen na empleyado rito.
Ayon kay Dr. Baggao, hihintayin muna ng CVMC ang Astrazeneca vaccine na maaaring magamit para sa mga edad na pasok dito.
Hiniling din nito na sana ay mapasama rin ang mga guards at iba pang kawani ng ospital sa mabibigyan ng bakuna bilang panlaban sa COVID-19.
Hinikayat naman nito ang publiko na huwag matakot sa pagpapabakuna dahil ito ay ligtas at dumaan sa masusing pag-aaral bago iturok sa isang indibidwal.
Giit ni Baggao, ang Sinovac vaccine ay hindi nakakamatay sa halip ay nakakatulong upang maiwasan ang pagkalat ng virus na dulot ng COVID-19.