TUGUEGARAO CITY- Bumubuhos ang mga pagbati kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa ibinigay sa kanya na pagkilala na Most Outstanding Medical Center Chief sa buong bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Baggao na maaaring ang kanyang natanggap na pagkilala ay bunsod ng mga ipinatupad at ipapatupad pang mga proyekto at programa sa CVMC.
Sinabi niya na una rito ay pumasa sa assessment ng iba’t ibang departamento ang kanyang iprinisinta na mga accomplishments nila nitong 2020 at ang laman ng kanilang “10 Year Developmental Plan” para sa CVMC.
Kabilang aniya sa napakahalagang accomplishment ay ang pagkakapasa ng batas na dagdagan ang bed capacity ng CVMC mula sa 500 sa 1,000.
Sinabi ni Baggao na kaakibat ng ginagawang expansion sa CVMC ay ang itatayo ngayong buwan na communicable disease control unit.
Ayon sa kanya, naisingit ang nasabing gusali dahil sa covid-19 pandemic.
Sinabi niya na ang nasabing gusali ay hindi lamang para sa mga covid-19 patients kundi pati sa iba pang may nakakahawang sakit.
Ito aniya ay dahil sa ang ginagamit ngayon na isolation unit para sa covid-19 patients ay ang bagong gusali na para sana sa private patients.
Sinabi niya na malapit na ring matapos ang specilaty center para sa mga na-stroke na mga pasyente.
Ayon sa kanya, una na rin silang nagpatayo ng iba pang proyekto tulad na lamang ng rehabilitation and medicine center at mayroon na rin silang cancer center kaya hindi na kailangang pumunta ng Manila ang mga cancer patients.