TUGUEGARAO CITY- Ipapatawag ngayong araw na ito ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan ang dalawang driver na nasangkot sa drag racE na nauwi sa aksidente para sa karagdagang imbestigasyon sa pangyayari.

Una rito, nagkaroon ng exhibition show ang Baggao Lancer Elite Club bilang bahagi ng kanilang anniversary celebration sa Barangay San Jose na may pahintulot ang LGU na dinaluhan din umano ng inimbitahang mga pulitiko at maging ng alkalde.

Ipinaliwanag ni Dunuan na tapos na umano ang exhibition show nang maghamunan ang dalawang driver para sa isang karera na labas na umano sa mga inilatag aktibidad at hindi rin umano alam ng organizer na si Jay Ar Padilla.

Bukod dito, sinabi ni Dunuan na sa labas ng runway na inihanda para sa exhibition game ang pinagkarerahan ng dalawa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Dunuan na tatlo ang nagtamo ng galos matapos umakyat sa bakod nang mapansin na papunta sa kanila ang isang kotse subalit makikita sa video na dalawa ang nabangga sa insidente.

Bukod dito, isang nakaparadang sasakyan ang nasira ang bumper at naipit din ang bike ng isang bata matapos na salpukin ng isang kotse na sangkot sa drag racing.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Padilla, presidente ng nasabing club na walang nangyaring drag race sa halip ay friendly exhibition lamang ng kanilang mga sasakyan.

Sinabi ni Padilla na kinansela nila ang drag race matapos na walang dumalo sa kanilang mga inimbitahan mula sa Tuguegarao at Gattaran at hindi rin sila pinayagan ng PNP para isagawa ang nasabing aktibidad.

Ipinaliwanag niya na hindi nila nakontrol ang sitwasyon at hindi rin umano nila alam ang ginawa ng dalawa na drag race na kinasangkutan ng kanilang miembro na si Renato Soriano na lulan ng Lancer at labas sa organisasyon na si KC Lazaro na may sakay na Toyoto Corolla dahil sariling desisyon nila ang magkarerahan.

Ayon sa kanya, nasa starting line sila sa Don Domingo Street para sa exhibition ng kanilang mga sasakyan nang magkarerahan sina Soriano at Lazaro na mula sa finish line na papunta sa kanilang linya.

Ang driver ng Lancer ang nakabangga sa ilang nanonood sa nasabing event.

Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na may sanction umano na ipapataw si Mayor Dunuan, ang kanilang hanay at maging ng PNP sa dalawa na sangkot sa nasabing insidente.