Hindi magsasampa ng kaso ang ama ng estudyanteng nahulog malapit sa isang LRT-1 station sa EDSA, Quezon City laban sa drayber na umano’y nakahagip sa biktima pagkatapos ng pagkahulog.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), pinalaya ang drayber nitong Huwebes ng hapon matapos pirmahan ng ama ang isang notarized na liham na nagsasabing hindi niya itutuloy ang reklamo laban sa drayber.

Sa pahayag, sinabi ng QCPD na ang paunang imbestigasyon at pagsusuri ng CCTV footage ay walang malinaw na senyales ng kapabayaan sa panig ng drayber.

Binanggit din ng pulisya na nakipagtulungan ang drayber sa mga awtoridad habang siya ay nasa kustodiya bilang bahagi ng proseso ng imbestigasyon upang matiyak ang wastong dokumentasyon at pagsunod sa mga legal na kinakailangan.

Inihayag naman ng QCPD ang kanilang taos-puso pakikiramay sa pamilyang naulila at tiniyak sa publiko ang pangako na magsagawa ng patas, makatarungan, at transparent na imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Miyerkules ng umaga, pumanaw ang biktima, na isang 23-taong-gulang na lalaki, matapos itong mahulog malapit sa LRT-1 station sa EDSA-Congressional Avenue area sa Quezon City.