
Muling irerekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ang desiltation o dredging sa Cagayan river.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ruelie Rapsing ng Cagayan PDRRMO na isa ito sa nakikita niyang solusyon para maibsan ang matinding epekto ng taunang nararanasang pagbaha sa probinsiya lalo na sa mga magsasaka na palaging nasisiraan ng mga pananim.
Ayon kay Rapsing na makakatulong ang paglalagay ng mga flood control projects at iba pang mga proyektong pangontra sa matinding epekto ng pagbaha subalit mas epektibo kung palalimin muna ang ilog Cagayan sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga lupang naanod mula sa kabundukan at naitambak sa ilog kung kayat naging mababaw ito
Binigyang diin niya na nakita ang positibong epekto sa isinagawang dredging activity ng Department of Public Works and Highways o DPWH at Department of Environment and Natural Resources o DENR nitong mga nakalipas na taon kung saan hindi basta-basta umaapaw ang tubig sa ilang mababang national highway.
Posible aniyang ihahapag sa pagpupulong ng council ang rekomendasyon na ito para magawan ng resolusyon para maisumiti sa mga kaukulang ahensiya para sa mga kaukulang pagtalakay
Inirekomenda rin ng opisyal sa mga magsasaka ang pagpapalit ng croping period o schedule ng pagtatanim para makaiwas sa pinsala ng nararanasang sama ng panahon lalo na kung ganitong “Ber” months na panahon ng bagyo at baha.
Matatandaan na ang Cagayan ang catchbasin ng tubig mula sa Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela at rehiyong Cordillera kung kayat madaling madaling mabaha ang probinsiya










