Nagsasagawa na ng manhunt ang mga awtoridad sa lalawigan ng Abra, kung saan naglatag ang mga pulis ng checkpoints at nagsasagawa ng dragnet operations laban sa suspek sa pamamaril sa driver ng isang mayoral candidate.

Patay ang nasabing driver nang pagbabarilin sa loob ng isang bahay sa Zone 3, Bangued, Abra kagabi.

Pansamantalang nakatira si Juanito Gammong, 58-anyos, residente ng Barangay Dangdangla, Bangued sa nasabing lugar nang mangyari ang pamamaril.

Ayon sa pulisya, pumasok si Gammong sa bahay ng 7 p.m. para magpahinga nang sundan siya ng suspek sa loob at pinagbabaril siya ng tatlong beses, at agad na tumakas.

Agad na dinala ng mga rumespondeng mga pulis ang biktima sa Abra Provincial Hospital, subalit idineklera siyang dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isang social media post, sinabi ng suspendidong Vice Governor na si Joy Bernos, na muling kumakandidato, na si Gammong ay driver ni Lenin Benwaren, mayoral candidate sa bayan ng Tineg, Abra.