Nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan ang tatlo sa limang nasugatan sa karambola ng limang sasakyan sa Tuguegarao City.

Sangkot sa karambola ang isang kotse, isang adventure, dalawang tricycle at isang Toyota HiLux Pick up na minaneho ng suspek na si Domingo Enciso, 65-anyos, retired government employee at residente ng Barangay Pengue Ruyu.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Lt Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao na hindi huminto at nagmamadaling tumakas ang suspek na naging sanhi ng karambola matapos niyang mabangga ang likurang bahagi ng sasakyan ng isang pulis na si PSSg Kristofer Ferrer sa kahabaan ng Arellano St. Barangay Centro 2, kaninang umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na dahil sa pagmamadaling tumakas ay bumangga sa concrete fence at poste ng kuryente ang sasakyan ng suspek bago sumalpok sa sinusundang pampasaherong tricycle na minaneho ni Bernardo Ferrer, 55-anyos ng Barangay Cataggamman Nuevo.

Sa lakas ng pagbangga ay nagpa-ikot ikot pa ang tricycle bago tuluyang bumangga sa nakaparadang Mitsubishi Adventure sa kaliwang bahagi ng daan.

-- ADVERTISEMENT --

Nawalan naman ng kontrol ang minamanehong sasakyan ng suspek at bumangga rin ito sa nakaparadang Mitsubishi Mirage na pagmamay-ari ng isang OFW na si Mildred Corazon Pagalilauan, 43-anyos at nadamay ang isa pang traysikel na minamaneho ni Danilo Danao, 38-anyos ng Barangay Annafunan West.

Isinugod ang mga biktima sa ibat-ibang pagamutan sa lungsod kung saan patuloy na inoobserbahan ang driver ng traysikel na si Ferrer na nabalian ng kamay at dalawang estudyanteng sakay nito na sina Rainier Pelagio at Danica Consul.

Depensa naman ng suspek na inatake ito ng sakit na high blood habang nagmamaneho subalit pinabulaanan ito ng sumuring duktor.

Katwiran pa niya na nakaranas umano ang minamaneho nitong sasakyan ng biglang pagharurot o sudden unintended acceleration at hindi nito maihinto na dahilan ng karambola.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple serious physical injuries and multiple damage to property ang suspek na hawak na ng pulisya.