TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Manny Baricaua, assistant director ng Land Transportation Office o LTO Region 2 na inirekomenda nila sa kanilang central office ang revocation o ipawalang bisa ang driver’s license ng driver ng van na nakabangga-patay sa siyam na katao sa Lallo, Cagayan kamakailan.
Sinabi ni Baricuau na ito ay matapos na lumabas sa isinagawang sariling imbestigasyon ng kanilang tanggapan na human error sa panig ng driver na si Dan Vincent Domingo ng Tabuk City, Kalinga ang sanhi ng trahedya.
Kaugnay nito, sinabi ni Baricaua na may mga ginagawa silang interventions upang matiyak na maiwasan ang mga aksidente sa mga lansangan na nagbubunsod ng pagkamatay, pagkasira ng ari-arian at iba pa.
Ayon sa kanya patuloy ang kanilang road safety program kung saan nagsasagawa sila ng mga lecture at education campaign ukol sa kapakanan at karapatan hindi lamang ng mga nagmamaneho ng mga sasakyan kundi maging ang mga naglalakad o iba pang gumagamit ng mga lansangan.
Bukod dito, sinabi niya na may bagong polisiya na rin para sa mga nagnanais na kumuha ng driver’s license kung saan para sa student license ay dadaan muna ito sa 15 hours na theoretical driving course habang sa mga non-prof naman ay sasailalim sa walong oras na practical driving course mula sa mga accredited nila mga eskwelahan.
Idinagdag pa niya na mayroon ding batas kung saan nakapalood ang demerit points sa mga may violations na hindi makakatanggap ng incentive na 10 year validity ng driver’s license.
Sinabi pa niya na kasama rin sa itinuturo sa subject na MAPEH sa mga eskwelahan ang pagtuturo sa road safety.
Kasabay nito, pinayuhan ni Baricaua ang mga motorista na bago gamitin ang kanilang sasakyan ay tiyakin na ito ay nasa maayos na kundisyon at maging maingat sa pagmamaneho lalo na kung hindi alam ng topogaphy o sitwasyon ng isang lansangan.
Sinabi ni Baricaua, ang pangunahing dahilan ng mga aksidente sa mga lansangan ay human error, pangalawa ang hindi magandang lansangan at pangatlo ang stray animals.