Pormal nang sinampahan ng kasong ‘murder’ ang dalawang suspek na kinabibilangan ng driver ng Vice Mayor sa pamamaslang sa isang kapitan ng Barangay sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Arnel Acain, hepe ng Camalanigan-PNP na unang naaresto ng pulisya si Geronimo Joaquin, 39-anyos, tubong Nueva Ecija na sinasabing driver ni Vice Mayor Isidro Cabaddu.
Habang naaresto naman sa bahay ng kanyang live-in partner sa Brgy. Baggao si Carlo Aggabao ng Reina Mercedes, Isabela matapos ituro ng sinasabing hired killer na siyang nagpapatay kay Chairman Eranio Caleda ng Barangay Julian Olivas Sr. sa bayan ng Camalaniugan.
Ayon kay Acain, nakapagsalita pa ang biktima nang isugod ito sa pagamutan at sinabi na isang driver ng Vice-Mayor ang siyang bumaril sa kanya.
Kaugnay nito, agad nakipag-ugnayan ang pulisya sa bise-alkalde at pinuntahan sa kanyang bahay sa Barangay Centro Norte ngunit nang makita ng suspek ang mga pulis ay nagtangka itong tumakas.
Nasakote ang suspek sa tabing-ilog malapit sa kanyang kubo at nakumpiska sa kanya ang isang tactical bag at mga live ammunition.
Sa isinagawang interogasyon, itinuro ni Joaquin si Aggabao na kasama niya at mastermind sa pagpatay sa kapitan.
Nagbigay na rin ng testimonya o extra judicial confession si Joaquin na umaamin sa krimen habang mariin namang itinanggi ni Aggabao na dawit ito sa pagpaslang.
Nabatid pa na Top 1 Most Wanted sa probinsiya ng Nueva Ecija si Joaquin dahil sa kasong murder at nagtago sa lalawigan ng Pangasinan bago nagtrabaho sa Cagayan.
Kinumpirma rin ng asawa ng biktima sa pulisya na may mga natatanggap nang death threat ang kapitan sa text message at sa social media na posible umanong may kinalaman sa pulitika sa nakalipas na Barangay election.
Matatandaang binaril patay kagabi ng dalawang naka-motorsiklong suspek si Kapitan Caleda sa kasagsagan ng power interuption sa lugar, habang inaayos nito ang wirings ng ilaw na gagamitin nila sa pagbabantay sa checkpoint.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa naganap na pagpaslang.