Patay ang isang sakay ng trailer truck na bumaliktad sa kahabaan ng Poblacion sa Santa Fe, Nueva Vizcaya kahapon.

Sinabi ni Colonel Paul Bometivo, acting director ng PNP Nueva Vizcaya, dead on the spot ang biktima matapos na maipit sa truck.

Ayon kay Bometivo, sa initial investigation, hindi na-kontrol ng driver ang pagmamaneho dahil sa zigzag ang nasabing bahagi ng daan at marami itong sakay na plywood na dadalhin sana sa Isabela.

Sinabi niya na nasundan ito ng pagtirik ng isa pang truck ng isang bottling company, isang kilometro ang layo mula sa lugar kung saan bumaliktad ang trailer truck.

Bukod dito, may bumaliktad din na forward truck na may lulan na mga kamatis sa nasabing ring lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Bometivo na ang mga nasabing insidente ay nagresulta ng ilang oras na mabigat na daloy ng trapiko.

Ayon sa kanya, isinara nila ang isang lane ng kalsada dahil kinailangan na tulungan ang mga nasangkot sa insidente at matanggal ang mga nahulog at nagkalat na mga plywood.

Sinabi niya na nakadagdag din sa mabigat na trapiko ang isa ring aksidente sa kahabaan ng Caranglan.

Ayon kay Bometivo, binuksan ang two-way lane ng nasabing daan kaninang 11 a.m.