Kinumpirma ng pulisya na hinihintay na lamang ang formal declaration para tuluyang maideklarang drug cleared municipality ang bayan ng Alcala, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ George Maribbay, hepe ng Alcala Police Station na posibleng sa buwan ng Enero ng susunod na taon ay pormal nang maideklarang drug cleared ang naturang bayan dahil handa na rin ang Balay-Silangan kung saan dito isasailalim sa rehabilitasyon ang mga drug reformist.
Tiniyak pa ni Maribbay na sa kabila ng pagiging drug cleared ng nasasakupan ay hindi sila magpapakampante sa halip ay magpapatuloy ang kanilang monitoring sa mga drug personalities kabilang na ang pagpapatuloy ng operasyon laban sa mga sangkot nito
Samantala, ikinatuwa ni Maribbay ang halos 90 porsyentong pagbaba ng bilang ng krimen sa bayan ng Alcala na naitala ngayong taon kumpara noong 2021.
Mula sa 116 na krimen noong 2021 ay malaki ang ibinaba nito ngayong 2022 sa bilang na 16 na lamang kung saan dalawa rito ay rape cases.
Bukod sa pagbibigay seguridad ay prayoridad din ngayon ng pulisya ang pag-asikaso sa mga tulong na dapat matanggap ng mga dating rebelde na nagpasyang magbalik-loob upang maipadama sa kanila ang malasakit ng pamahalaan.
Nakahanda na rin para sa deployment ang mga PNP personnel ngayong kapaskuhan.