Muling binuksan ng Tuguegarao City Health Office (CHO) ang laboratoryo nito para sa drug testing na nagsara ng halos dalawang taon matapos ideklara ang quarantine sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Health Officer Dr. James Guzman na ang pagbubukas ng naturang serbisyo ay kasabay ng isinagawang renovation sa bagong 3-story building na tanggapan kung saan accesible na rin ito para sa pangangailangan ng mga may kapansanan tulad ng pagkakaroon ng PWD Ramp.

Ang Drug Testing Unit na kauna-unahang itinatag sa lungsod, maliban sa isa pang laboratoryo sa CVMC ay nasa 2nd floor ng CHO Building sa Brgy San Gabriel.

Aniya, pinaka-karaniwang uri ng drug screening na isinasagawa ay ang urine drug test o 100-120ML samples na mula sa ihi.

Ayon kay Guzman, ang drug testing fee ay nagkakahalaga lamang ng P200 na maituturing na pinakamura lalo na sa mga aplikante bilang isa sa mga requirements sa kanilang trabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang mga samples na nagpositibo sa screening ay dadaan pa sa confirmatory test na ipapadala sa Maynila at makatitiyak ang bawat kliyente na ang resulta nito ay mananatiling confidential.

Bagamat libre ang testing fee sa mga drug offenders, sinabi ni Guzman na kung maaari ay ikonsidera rin ang iba pang government agencies na gumagawa ng kahalintulad na testing o magkaroon ng counterpart kung positibo sa screening para sa pagbabayad ng confirmatory test.