Kasalukuyan ngayon ng isinasagawang Cultural Mapping Training sa Calayan, ang islang bayan ng lalawigan ng Cagayan.

Sinabi ni Atty. Mabel Villarica-Mamba na layunin nito na masaksihan at mapag-aralan ang mga kultura at mga tradisyon ng mga mamamayan ng Calayan sa layuning mapreserba at mai-promote ang mga ito.

Bukod dito, sinabi ni Villarica-Mamba na layunin din ng ginagawang dry run Calayan circuit na tinawag na “Calayan: Your Islands of Wonder” na gawing tourist destination ang nasabing isla hindi lamang sa Cagayan kundi maging sa bansa at sa buong mundo.

Sinabi ni VIllarica-Mamba na napakaraming nakakamangha at napakagandang tanawin sa Calayan na mayroon ding mga barangay islands na maipagpapalaki sa buong mundo, tulad ng kanilang mga beach, mga kweba, waterfalls, mga lumang simbahan, at maraming iba pa.

Bukod dito, mayaman din ang Calayan sa mga lamang dagat.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Villarica-Mamba ang dry run ay upang ihanda rin ang Calayan sa international market dahil nais ng pamahalaang panlalawigan na i-showcase ito bilang world class tourism destination.

Sinabi ni VIllarica-Mamba na plano na rin na palawakin ang paliparan sa Calayan para sa mas malaking mga airlines.

Ayon sa kanya, napakaraming aktibidad na maaaring gawin habang nasa isla ng Calayan kung saan makikita din dito ang paggawa ng mga mamamayan ng asin at mga bangka.

Ang dry run ay pinangungunahan ng Department of Tourism, Cagayan Tourism Office, LGU Calayan, ilang travel agents, vloggers, at ang Tourism Office ng Aparri.