Dinepensahan ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang pagbibigay ng P80,000 na ayuda sa isang babaeng kinilalang si “Rose,” matapos siyang makuhanan ng litrato habang lumalabas mula sa imburnal sa Makati.

Ayon sa kalihim, ang tulong ay bahagi ng Pag-abot Program ng DSWD na nagbibigay ng pansamantalang tirahan at kabuhayan sa mga taong-lansangan, at ang halagang ibinigay ay batay sa umiiral na guidelines at sa assessment ng isang lisensyadong social worker.

Nilinaw din niya na ang tulong ay hindi ibinibigay ng isang buo, kundi paunti-unti at may kasamang pagsubaybay ng social worker, gaya ng pag-accompany kay Rose sa pagbili ng panimulang paninda para sa kanyang maliit na tindahan.

Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi natatangi ang kaso ni Rose, dahil libu-libo na ring indibidwal sa lansangan ang natulungan ng programa, na may kanya-kanyang halaga ng natanggap base sa pangangailangan.

Kaugnay naman ng kontrobersiyal na bansag na “honorary social worker” kay Rose, nilinaw ni Gatchalian na hindi ito opisyal na titulo mula sa DSWD, kundi simbolikong pagkilala ng isang social worker sa ipinakita nitong malasakit, empatiya, at kagustuhang tumulong sa kapwa sa kabila ng sariling hirap.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, sana ay matuloy ni Rose ang kanyang planong mag-ALS upang balang araw ay makapag-aral siya ng social work, isang propesyong aniya’y may pinakamalaking puso.