Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa pagbebenta, pagbili, at pagre-repack ng mga relief items gaya ng ready-to-eat food (RTEF) boxes at family food packs (FFPs), na nakalaan lamang para sa mga biktima ng kalamidad at emerhensiya.
Ayon kay DSWD-NRLMB Officer-in-Charge at Special Assistant to the Secretary Leo Quintilla, malinaw na paglabag sa Republic Act 10121 ang mga ganitong gawain.
Aniya, libre itong ipinapamahagi ng DSWD o ng mga LGU para tugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta.
Dagdag pa ng opisyal, maaaring makasuhan ang sinumang lalabag sa mga patakarang ito.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ng batas ang maling pamamahagi ng ayuda sa hindi karapat-dapat, paggamit o pagtanggap ng relief goods ng hindi awtorisadong indibidwal, at pagpapanggap na galing sa ibang ahensya ang ayuda sa pamamagitan ng pagpapalit o pagtatakip ng label.
Ipinaalala rin ng DSWD na malinaw na nakasulat sa kahon ng RTEF ang laman nito, gaya ng limang lata ng tuna paella, isang lata ng chicken pastil, isang lata ng giniling, dalawang pack ng arroz caldo, tatlong pack ng champorado, dalawang protein biscuits, at isang complementary food para sa sanggol.