Umabot na sa mahigit P4.1 milyon ang naipamahaging ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Crising at habagat.

Sa datos ng ahensya hanggang alas-6 ng umaga nitong Sabado, tinatayang higit 68,000 pamilya o 215,000 indibidwal mula sa walong rehiyon sa bansa ang apektado ng matinding pag-ulan at pagbaha, kung saan nasa 5,400 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, may nakahanda pang P2.9 bilyong halaga ng pondo at relief goods sa mga bodega ng ahensya.

Patuloy din umano ang produksyon ng family food packs (FFPs) sa National Resource Operations Center sa Pasay at Visayas Disaster Response Center sa Cebu upang matiyak ang agarang replenishment ng stockpiles sa mga rehiyon.

Sa tulong ng Buong Bansa Handa program, naging mabilis ang distribusyon ng tulong sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pamamagitan ng mechanized packing system, nakapagpoproseso na ngayon ng hanggang 50,000 kahon ng FFPs kada araw, na may barcode para sa tracking at wastong distribusyon sa mga lugar na nangangailangan.