Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ni Mary Christ Cuizon, na pumanaw habang isinasagawa ang verification para sa Emergency Cash Transfer payout sa Mandaue City, Cebu.

Ayon sa DSWD, nagpaabot na sila ng sampung libong pisong food assistance sa pamilya ng nasawi at nakatakda ring magkaloob ng burial assistance sa oras na makakuha na ng death certificate ang pamilya nito.

Nagsagawa na rin ng debriefing session ang DSWD sa mga naulilang kaanak ng biktima.

Bukod dito ay nagbigay na rin ng P30K cash assistance ang Mandaue City Social Welfare and Development Office, habang makatatanggap naman ang kapatid ni Cuizon ng Emergency Cash Transfer assistance na nagkakahalaga ng P5,250.

Kasabay nito, tiniyak naman ng DSWD na nakipag-ugnayan na sila sa mga local government unit (LGU) upang masiguro ang maayos at sistematikong pagpapatupad ng verification at pamamahagi ng ayuda.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga ipinatupad na hakbang ang pagkakaroon ng dedicated lanes para sa senior citizens at buntis, gayundin ang pagdeploy ng response team na umiikot sa venue upang bantayan ang kalagayan ng mga benepisyaryo.