TUGUEGARAO CITY- Magpapadala pa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region II ng karagdagang family food packs at mga non-food items para sa mga pamilyang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD-RO2 na inaasahang matatapos ngayong araw ang pagkarga sa 2,500 foodpacks at 1,000 sleeping kits na ibibyahe patungong Batangas.
Ito ay dagdag sa nauna nang ipinadala na 1,000 food packs na naglalaman ng bigas, delata at kape noong Lunes, Enero-12 sa DSWD Region 4A.
Naghahanda na rin ang 30 volunteers ng DSWD sa rehiyon na magtutungo sa Batangas upang tumulong sa disaster response.