Nagpaabot ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 2 sa mga nasugatang biktima ng pagguho ng Sta. Maria-Cabagan Bridge sa lalawigan ng Isabela noong gabi ng Pebrero 27, 2025.

Ayon kay Mylene Attaban, tagapagsalita ng DSWD, anim na katao ang nasugatan sa insidente.

Bilang bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, nagbigay ang ahensya ng ₱5,000 na tulong pinansyal sa dalawang biktima, habang nakatanggap ng ₱10,000 ang isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro.

Sa kasalukuyan, patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga biktima sa mga ospital sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.

Bukod sa pinansyal na tulong, nakatakda ring magbigay ang DSWD ng iba pang assistance batay sa magiging assessment ng mga social worker sa mga sugatang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy din aniyang minomonitor ng ahensya ang kalagayan ng iba pang naapektuhan ng insidente at tiniyak ang pagbibigay ng karagdagang suporta para sa kanila.