TUGUEGARAO CITY-Minamadali na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-RO2 ang mga Local Government Unit (LGUs) na hindi pa naibibigay sa kanilang mga residente ang tulong pinansyal mula sa programang Social Amelioration (SAP).
Ayon kay Lucy Alan, OIC Assistant Director ng DSWD-RO2 , na-extend ng Mayo 4 ,2020 ang deadline ng pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa dating Abril 30 na unang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit hanggang ngayon ay may mga LGU pa na hindi nakakapag-pay out dahil sa ilang kadahilanan.
Dahil dito, puspusan na ang kanilang mga field officer sa pangangalap ng datos mula sa mga LGUs para makompleto ang kanilang dokumento at siguraduhin na nabigyan ang lahat ng mga kwalipikadong benipisaryo.
Umaabot sa 434,308 na pamilya ang mga benipisaryo ng SAP na non-4ps o hindi miembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na apektado ng krisis dahil sa covid-19 habang nasa 102,911 naman ang mga miembro ng 4ps maliban pa sa 528 na hindi pa nabibigyan ng cash card na mga kwalipikadong mabibigyan ng ayuda sa Region 02.
Sa kabuuan, sinabi ni Alan na mahigit P3.2 milyon ang halaga ng maipapamigay sa mga benipisaryo ng SAP sa rehiyon.
Sa ngayon, 74.32 percent ng mga benipisaryo ang nabibigyan ng ayuda sa Cagayan, 90.61 percent sa Isabela, 91.66 percent sa Quirino, 78.85 percent sa Nueva Vizcaya at 81.72 percent sa Batanes.
Muling namang ipinaliwanag ni Alan na kung sa isang bahay ay iisa lamang ang nakatira, hindi ito kwalipikado sa naturang programa dahil pamilya ang basehan, ibig sabihin may nanay, tatay at anak sa tahanan.
Maging ang isang senior citizen na may kasama sa bahay na empleyado ng gobyerno ay hindi na kwalipikado sa programa dahil tuloy-tuloy naman ang natatanggap na sahod ng kanyang kasama sa bahay.
Mahigpit ang ginagawang validation ng kanilang mga tauhan para matiyak na mga kwalipikadong mamamayan lalo na ang mga kabilang sa “poorest of the poor” ang makakatanggap ng tulong.
Samantala, hinihintay na ng kanilang ahensiya ang advisory mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa 2nd tranche ng ibibigay na ayuda.