TUGUEGARAO CITY-Agad na nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 2 sa mga biktima ng pagbaha at landslide dahil sa nararanasang pag-ulan sa probinsiya ng Cagayan.

Ayon kay Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD-Region 2, nakapagbigay na ang kanilang tanggapan ng kabuuang 1000 family food packs sa mga apektadong bayan.

Aniya,100 family food packs ang naipamigay sa bayan ng Allacapan maging sa Pamplona, 300 family food packs sa Sanchez Mira at 500 family food packs sa Sta Praxedes.

Bukod pa aniya ito sa ipinaabot ng Department of Science and Technology (DOST)-Region 2 na 100 boxes na may laman na 3,000 ready to eat na pagkain na pinaghatian ng bayan ng Sta praxedes at Sanchez Mira.

Nakatakda rin na magbigay ng burial assistance ang kanilang tanggapan sa dalawang kumpirmadong namatay dahil sa pabaha sa bayan ng Claveria.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Trinidad na umaabot na sa P360,000 ang kanilang naipamigay na assistance sa mga bayang labis na naapektuhan ng nasabing kalamidad.

Kasunod nito, sinabi ni Trinidad na kahapon, araw ng Huwebes ay bumaba na ang bilang ng mga residente na lumikas sa kanilang mga kamag-anak o mga kakilala kung saan mula sa 159 ay nasa 87 pamilya na lamang na binubuo ng 396 na katao.

Nasa 266 naman na pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center na binubuo ng 994 na katao.

Kaugnay nito, sinabi ni Trinidad na naka-stand by pa rin ang kanilang mga tauhan sa mga nasabing bayan para magbigay nang agarang tulong sa mga apektado ng pagbaha.