TUGUEGARAO CITY-Ipinangako ni DSWD Secretary Rolando Bautista na walang magugutom na mga residente na nasa evacuation centers dahil sa pananalasa ng bagyong Ramon.
Ayon kay B/Gen Laurence Mina, Commander ng 502nd Infantry Brigade, ito ang ipinangako ni Bautista bago bumalik sa lungsod ng Maynila matapos ang dalawang araw na pamamahagi ng relief goods at financial assistance sa mga nasalanta ng Bagyong Quiel at Ramon.
Sinabihan umano niya si Mina na ipagbigay alam lamang sa kanyang opisina kung kakailanganin ang kanyang tulong.
Kaugnay nito, sinabi ni Mina na nasa mahigit 800 pamilya ang nabigyan ng relief goods sa bayan ng Sta Ana, Gonzaga at Sta teresita.
Samantala, sinabi ni Mina na mas lalo nilang paiigtingin ang pagbabantay laban sa mga nagsasagawa ng illegal logging lalo na sa bayan ng Sta Ana, Cagayan .
Ito ay kasunod na rin sa mga nakitang malalaking troso mula sa Sierra Madre kasabay ng pananalasa ng bagyong ramon sa nasabing bayan.