
Nag-alok si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ng pabuya na P100,000 sa impormasyon na magtuturo sa responsable sa pagputol sa dila ng isang aso at iniwan sa gilid ng kalsada sa Barangay Balangkas, Valenzuela City.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), ang aso na si Kobe, ay nakitang nasa kritikal na kundisyon noong Martes at ginagamot ng isang veterinary clinic hanggang kahapon.
Mariing kinondenang grupo ang insidente, kung saan iginiit ma ang pinakamahirap na putulin ay ang dila ng isang aso, at kung totoong may tao na gumawa nito, posibleng plinano at isang sadistic act.
Sinabi ni PAWS Executive Director Anna Cabrera, hiniling nila ang tulong ni Gatchalian para makatulong sa paghahanap sa taong responsable sa insidente.
Ayon kay Gatchalian, ang ibibigay niyang pabuya ay bilang personal na apela sa may alam sa nasabing pangyayari dahil sa hindi niya masikmura ang nasabing kalupitan laban sa mga alagang hayop.
Sinabi ni Cabrera na nakipag-usap na rin ang grupo sa nag-aalaga kay Kobe, na sumang-ayon na ipaubaya na sa PAWS ang kaso.









