
Mabilis na umaksyon si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian kaugnay ng viral na kaso ng isang lolo na umano’y hindi nakatanggap ng P100,000 cash gift para sa Filipino centenarians dahil sa pagiging “overage” o lumagpas na sa 100-anyos.
Nilinaw ni Gatchalian na wala na sa DSWD ang pamamahala ng centenarian cash gift at ito ay nasa ilalim na ng National Commission of Senior Citizens o NCSC.
Sa kabila nito, siya na raw ang bahala sa sitwasyon.
Agad niyang inatasan ang mga social worker ng DSWD na umakyat sa lugar at sa kanilang pagbisita, apat na senior citizens aniya ang nadiskubreng pawang 100 taong gulang na at kuwalipikado para sa cash gift.
Ani Gatchalian, siya na rin ang bahalang kumausap sa NCSC para sa P100,000 ng mga ito.
Sa ngayon ay nagpaabot na muna sila ng tig-P10,000 cash assistance sa mga ito para sa kanilang pangangailangang medikal.
Tiniyak din ni Gatchalian na patuloy ang pagmamanman ng DSWD sa kalagayan ng mga lolo at lola at sisiguraduhing matatanggap nila ang tulong na nararapat sa kanila.






