Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Enhanced Support Service Intervention (ESSI) para sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi ni Mitch Sibbaluca ng nasabing tanggapan na ang priority target ng nasabing programa ay ang Indigenous People o mga katutubo upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Ipinaliwanag ni Sibbaluca na ito ay upang patuloy na magampanan ng mga IP 4Ps beneficiaries ang kanilang mga responsibilidad sa ilalim ng nasabing programa at upang maiangat ang kanilang pamumuhay, at mapabuti ang kanilang kapakanan habang pinapangalagaan ang kanilang mga karapatan, kultura, at tradisyon.
Sinabi ni Sibbaluca na ang mga ibinibigay na tulong mula sa ESSI ay tinitiyak nila na sustainable upang hindi masayang ang pondo.
Kaugnay nito, sinabi ni Sibbaluca na nabigyan ng livelihood assistance ang nasa 18 na benepisyaryo sa Barangay Napo, Ambaguio, NUeva Vizcaya.
Nabigyan din ang ilang pamilya sa San Pablo, Isabela para sa kanilang corn at rice production at maging ang pagkakaroon nila ng “bigasan”.
May naibigay na rin na tulong sa Alicia, Isabela at sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Sibbaluca na nakatakda na rin ang katulad na livelihood assistance sa ilang bayan dito sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Sibbaluca, ang ESSI ay isang component ng 4Ps na nagbibigay ng karagdagang suporta at serbisyo sa Indigenous Peoples, Homeless Families, at iba pang vulnerable 4Ps beneficiary households.