Sinimulan na Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang pamamahagi ng Emergency Shelter Assistance sa mga pamilyang nawalan ng bahay o may totally damage houses sa lalawigan ng Batanes dulot ng pananalasa ng Bagyong Kiko.
Kasabay ng pamamahagi ng ESA ay ang pay out para sa cash for work.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Regional Disaster Information Officer Michael Gaspar, sinabi niya na sampung pamilya ang naunang binigyan ng financial assistance na naitalang totally damaged ang bahay sa Basco, Batanes.
Ang kabuuang ayuda ng DSWD ay P33,700 bawat isa para sa totally damaged houses; P30K dito ay emergency shelter assistance habang ang P3,700 ay para sa sampung araw na cash for work.
Habang ang mga pamilyang partially damaged ang bahay ay makakatanggap naman ng P11,850 bawat isa; P10,000 dito ay para sa Emergency Shelter Assistance at P1,850 para sa limang araw na cash for work.
Ang iba pang apektadong pamilya na hindi nasiraan ng bahay ay makakatanggap naman ng P5,500 na sahod para sa kanilang 15-day community works.
Ayon kay Gaspar, 171 na totally damaged houses at 1,247 partially damaged sa Basco ang babayaran ng DSWD habang ang nalalabing 94 totally damaged at 813 partially damaged houses sa ibang bayan ng lalawigan ay babayaran ng national Housing Authority sa pamamagitan ng kanilang Emergency Housing Assistance Program.
Target naman ng DSWD at NHA na matapos ang distribusyon ng ayuda hanggang December 17 ng kasalukuyang taon.
Magugunitang 8,000 na pamilya na binubuo ng 27,000 individuals sa lambak ng Cagayan ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Kiko noong Setyembre.