Pansamantala munang ititigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng Guarantee Letters (GL) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao, mayroon na silang inilabas na guidelines sa mga Field Offices para sa huling araw ng pagbibigay ng GL bago ang December 13.

Ipinaliwanag ni Dumlao na ang pansamantalang pagtigil sa pagbibigay ng GL ay para mabigyan ang ahensiya ng pagkakataon sa annual liquidation process at makumpleto ang lahat ng payments sa kanilang service providers na tumulong sa mga beneficiaries.

Nilinaw ni Dumlao na ang suspension ng GL ay hindi magkakaroon ng impact sa probisyon ng AICS assistance sa mga kliyente na nahaharap sa krisis.

Sinabi niya na makakakuha pa rin ng cash assistance para sa mga serbisyo na nagkakahalaga ng hanggang P10,000 ang mga nangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, sa sandaling matapos nila ang lahat ng obligation requests at disbursement vouchers sa susunod na taon, muli nilang ibabalik ang pagbibigay ng GL.

Ang AICS program ay isang critical component ng mga serbisyo ng DSWD, nagbibigay ng mahahalagang suporta tulad ng medical, burial, transportation, education, at food assistance, kabilang ang financial aid sa iba pang kagyat na pangangailangan ng mga indibiduwal at mga pamilya na nasa krisis.

Inihayag din ni Dumlao, na suspindido muna ang offsite o pay-out na ginagawa sa mga covered court o barangay halls.

Dahil dito, pinayuhan niya ang kanilang mga kliyente na pumunta muna sa kanilang Sattelite Offices o Field Offices.