TUGUEGARAO CITY-Bumuo ng tatlong grupo ang Department of Trade and Industry (DTI)-Region 2 na nagpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng pagbaha sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Ayon kay Remleah Ocampo, Regional Director ng DTI-Region 2,nasa kabuuang halaga na P200k ang kanilang ibinahaging relief goods partikular sa bayan ng Allacapan, Ballesteros, Abulug at Sanchez Mira.
Aniya, sabay-sabay na isinagawa ng binuong tatlong team ang pamamahagi ng tulong sa 700 families.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Ocampo sa iba’t-ibang organisasyon na nagbigay ng kanilang tulong para sa mga biktima ng malawakang pagbaha at landslide.
Dagdag pa ni Ocampo na muling babalik ang kanilang ahensiya sa ibang mga bayan na nakaranas din ng pagbaha para muling magpaabot ng tulong.
Ito’y matapos muling nakatanggap kahapon ng hapon ang kanilang ahensiya ng tulong mula sa iba’t-ibang grupo.
Bagamat, hindi pa mabatid ni Ocampo ang eksaktong araw na muling pamamahagi ng tulong, siniguro niya na maaabutan ng tulong ang lahat ng mga nasalanta ng pagbaha.
Samantala, sinabi ni ocampo na patuloy ang kanilang monitoring sa presyo ng mga bilihin sa merkado kasabay ng pagdeklara ng State of calamity nitong nakalipas na araw.