TUGUEGARAO CITY-Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI)-Cagayan kasama ang Local Price Coordinating Council (LPCC) ng lungsod ng Tuguegarao sa mga pamilihan matapos makatanggap ng reklamo ukol sa kakulangan ng timbang sa nabiling produkto.
Ayon kay Lordito Antonio, chief ng consumer protection division ng DTI-Cagayan, nasa 100 na negosyante sa River side talipapa at Macapagal Avenue satellite market ang kanilang ininspekyon lalo na ang gamit na digital weighing scale o timbangan.
Aniya, lahat naman umano ay gumagamit na ng digital kung kaya’t kanila pa ring iimbestigahan ang naturang impormasyon.
Kaugnay nito, nagbigay nang babala ang ahensya sa mga negosyante na iwasan ang panloloko dahil maaari silang maharap sa kaukulang parusa sa oras na ito’y mapatunayan.
Sinabi naman ni Antonio na kinakailangang ipa-check sa treasury office ang nabiling digital weighing scale para sa calibration habang mahigpit na ring ipinagbabawal ang paggamit ng analog na timbangan.
Samantala, kasabay ng kanilang ginawang inspeksyon, nagbigay na rin ng impormasyon ang DTI-Cagayan sa mga negosyante ang pagkakaroon ng price tag sa lahat ng produkto bilang pagsunod sa price tag ordinance ng lungsod.