Muling nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI)- Cagayan laban sa mga online sellers na nagbebenta ng overpriced Personal Protective Equipment (PPE) at medical supplies.

Sinabi ni DTI-Cagayan Provincial Director Maria Salvacion Castillejos na may mga online sellers pa ring inirereklamo kaugnay sa overpricing ng mga PPEs na sinasamantala ang mataas na pangangailangan bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Castillejos na patuloy na nakikipag-ugnayan ang DTI sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para maimbestigahan at mabigyan ng parusa ang mga mapapatunayang nananamantala sa presyo.

Aniya, hindi puwedeng magtaas ng presyo ang mga pangunahing bilihin sa merkado bunsod ng price freeze matapos ideklara ang state of public health emergency sa bansa.