Muling nagpa-alala ang Department of Trade and Industry (DTI) Region II sa publiko na agahan ang pagbili ng pang-noche buena ngayong Pasko.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Linda Tan, chief consumer protection division ng DTI-RO2 na ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga mamimili o holiday rush sa susunod na linggo.
Aniya, mas mainam na maagang makapamili ng pang noche buena dahil makakapamili ng maayos ang mga konsyumer ng kanilang mga kailangan nang hindi nagmamadali o nakikipagsiksikan.
Paalala nito na tingnang maigi ang expiration date ng binibiling produkto sa mga supermarket.
Makakabuti din umano na magdala ng listahan ng mga bibilhin bago tumungo sa supermarket o palengke upang mapadali ang pamimili.
Tiniyak din ng DTI na walang pagtaas sa presyo ng mga Noche Buena items.