Naghain na ang Department of Trade and Industry (DTI) ng pormal na reklamo laban sa walong contractor-licensees na sangkot sa flood control projects corruption scandal.

Sa statement, sinabi ng DTI na sa pamamagitan ng kanilang regulatory authority sa ilalim ng Executive Order No. 913 (series of 1983) at iba pang mahahalagang trade and industry laws, naghain ito ng reklamo laban sa contractors sa posibleng paglabag sa construction industry regulations dahil sa kanilang pagkakasangkot umano sa maanomalyang flood control projects.

Ang contractors ay kabilang sa 15 na contractors na nakakuha ng 20 percent sa P545 billion na halaga ng flood control contracts.

Ang mga contractors ay ang mga sumusunod:

Legacy Construction Corporation
Centerways Construction & Development Inc.
Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
MG Samidan Construction
L.R. Tiqui Builders Inc.
QM Builders
EGB Construction Corporation
Hi-Tone Construction and Development Corporation

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque na ang reklamo laban sa walong contractor ay inihain sa Philippine Contractors Accreditation Board-Monitoring and Enforcement Division (PCAB-MED).

Ang MED ay division ng PCAB na responsable sa imbestigasyon ng mga kaso na non-compliance ng contractors at nagpapatupad ng construction industry regulations.

Ipinaliwanag ng DTI na ang paghahain ng reklamo ay magbibigay sa kanila ng otorisasyon na magsagawa ng agad na preventive actions, kabilang ang suspension ng mga lisensiya at iba pang mahalagang hakabang, habang kasalukuyan ang mga imbestigasyon upang matiyak na nasusunod ang batas at protektado ang publiko.