Naglabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng pinakabagong Suggested Retail Price (SRP) bulletin ng mga pangunahing bilihin at produkto, mahigit isang taon matapos ang huling paglabas nito noong Enero 12 ng nakaraang taon.

Ayon sa DTI, mula sa 191 na shelf-keeping units (SKUs) sa pinakabagong SRP listahan, 77 na item o 40 porsyento ng mga ito ang nagtaas ng presyo.

Ang pagtaas ng presyo ng de-latang sardinas ay nasa 5 hanggang 15 porsyento, o mula 2 sentimos hanggang PHP2.73 para sa isang lata ng 155-gram.

Ang mga presyo ng gatas ay tumaas ng 6 hanggang 10 porsyento, o mula P2.50 hanggang P6, depende sa brand at yunit.

Para sa kape, ang pagtaas ng presyo na inaprubahan ng departamento ay mula 6 hanggang 11 porsyento, o mula 45 sentimos hanggang PHP2.20.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga instant noodles naman ay tumaas ng 1 hanggang 7 porsyento, o mula 10 hanggang 50 sentimos.

Sa kabilang banda, anim na produkto naman ang nagbaba ng presyo, kabilang na ang de-latang sardinas (2) at bottled water (4). Ang pagbaba ng presyo ng de-latang sardinas ay hindi hihigit sa 10 sentimos, habang ang pagbaba ng presyo ng bottled water ay umaabot ng PHP3.

Ang 108 na iba pang produkto ay hindi nagbago ng presyo ayon sa pinakabagong bulletin.

Upang mapanatili ang competitiveness sa merkado, may ilang brand na hindi nagbago ng SRP ngunit nagpatupad ng “shrinkflation” o pagbabawas sa laki ng produkto habang pinanatili ang parehong presyo.